parang galing sa ibang mundo; ang kanyang pagmumukhang malaki at mabilog at ang kanyang leeg-toro ay nakapaglalarawan sa kanya ng isang kakaibang taba.
Pagkahinga ng buong lakas ay nag-alis ng balabal ang _barini_, naupo sa bangko at nagsabing:
--Sino sa inyo ang maestro sapatero?
Si Semel ay lumapit.
--Ako po, Kagalang-galang.
Tinawag ng barini ang kanyang alila; iabot mo sa akin ang katad, Fedka.
Dinala ng alila ang isang balutan, inilapag sa hapag (mesa).
--Buksan mo ang balutan.
Ang alila ay sumunod.
Itinuro ng barini kay Semel ang katad.
--Nakikita mo bang maigi, magsasapatos?
--Opo, Kagalang-galang.
--Nakikilala mo ba kung anong uri iyan?
Pinitik ni Semel ang katad at nagsabing:
--Iyan po ay pinakamabuting uri.
--Oo nga, iya'y pinakamabuting uri, tulig; kailanman ay hindi ka nakakita ng gaya niyan; iyan ay katad na galing sa Alemanya, nalaman mo ba? Ang halaga ng katad na iyan ay dalawampung rublo.
Si Semel ay natatakot-takot na tumugon:
--Paanong ibig ninyong kilalaning ko?
--Mabuti. Maigagawa mo ba kaya ako ng mga bota sa katad na ito?
--Opo, Kagalang-galang.
Ang barini ay nagbigkas.
--Mangyari! Tignan mong mabuti ang tao na nagpapagawa sa iyo niyan at pati ng kainaman ng katad na iyan; igawa mo ako ng mga bota na magluluwat ng isang taon; na isang taon kong magagamit na hindi man lamang masisira o mapapahiwid. Kung magagawa mo ay tanggapin mo ang katad na ito at iyong tabasin; kung hindi naman ay iyong tanggihan. Aking ipinagpapauna sa iyo, na kung ang mga botang iyan ay masira bago mag-isang taon ay ipapasok kita sa bilangguan, kung magtagal sa akin ng isang taon ay pagkakalooban kita ng sampung rublo.
Si Semel ay nagitla, nagdili-dili, hindi niya malaman ang gagawin. Tinignan niya si Mikhail, kanyang siniko at itinanong kung maaaring tanggapin o hindi.
Tinanguan siya ni Mikhail, at tinanggap ni Semel na nangako na kanyang gagawing mga bota na hindi masisira o mapapahiwid man lamang sa loob ng isang taon.
Tinawag ng barini ang alila. Iniunat ang kanyang paa, at nagsabing kung gayon ay sukatan mo ako, ang paa ng barini ay napakalaki na nangailangang gumupit pa ng ibang papel bagaman ang una ay napakalaki na. Sinukat ni Semel ang talampakan, ang ibabaw ng paa at saka sinukat ang binti; nguni't ang papel ay hindi nag-abot na maigi, ang binti ay napakataba. Habang kinukunan ng sukat ni Semel, ay lilingap-lingap ang barini sa lahat ng dako. Namataan si Mikhail.
--Sino ito?--ang tanong.
--Siya kong manggagawa--ang sabi ni Semel.
--Magpakaingat ka! Dapat magluwat ng isang taon.
Tinignan ni Semel ang pagkatungo ni Mikhail at kanyang nahalata na wala sa loob nito ang _barini_, kundi nakatingala siya sa ulunan ng barini na parang may nakikita siya. Si Mikhail ay tingin ng tingin. Agad napangiting masaya.
--Anong ikinatatawa mo?--ang tanong ng barini. Pag-ingatan mo, na ang mga bota ay iyong mayari sa takdang panahon.
Si Mikhail ay sumagot:
--Mangyari, kailanman at kailanganin.
--Mangyari,--ang bigkas ng barini na sabay isinuot ang balabal. Tumungo sa may dakong pinto; nguni't nakalimot yumuko, at naumpog ang ulo sa halang, na anupa't nagbubulong sa galit. Agad lumamig ang ulo, kinuskos ang noo at sumampa sa vosok.
Pagkaalis ng barini ay sinabi ni Semel.
--Ito nga ang matibay na parang puno ng kahoy; nasira ang halang at bahagya nang naramdaman.
At sinabi ni Matrenang:
--Sa taglay niyang pamumuhay ay mabuting tao kaya? Parang bakal mandin at di madadaig ng kamatayan ng gayun-gayon lamang.
VII
Hinarap ni Semel si Mikhail.
--Tinanggap natin ang biling ito,--aniya,--baka tayo'y mapahamak. Ang katad ay mahal, ang barini ay magagalitin; huwag lamang tayong magkamali ay ... Ang iyong mata ay malinaw kaysa akin; ang iyong kamay ay lalong tumpak; naito ang sukat, tabasin mo ang katad at samantala ay gagawing ko ang iyong ginagawa.
Sumunod si Mikhail, tinagnan ang katad, iniladlad at pinasimulang tinabas.
Tinitignan ni Matrena, na hirati sa gayong gawain, at ikinamangha na tinabas ni Mikhail ang katad sa isang anyo na hindi magagamit na pambota. Ibig niyang magsalita, nguni't kanyang naisip:
--Marahil ay hindi ko naulinigan kung anong anyo ng bota ang kailangan ng _barini_; nalalaman ni Mikhail ang ginagawa, at hindi ko siya pakikialaman.
Ginawa ni Mikhail na isang susuutin sa paa at tinahing parang sandalyas. Namangha si Matrena, nguni't hindi siya pinakialaman, at ipinagpatuloy ni Mikhail ang pagtahi. Dumating ang oras ng pagkain. Tumindig si Semel at kanyang napuna na ginawang sandalyas ni Mikhail ang katad at hindi ginawang bota, bagay na nakapagtataka sa isang tao na kailanman ay hindi nagkamali. Si Semel ay nakapagbigkas tuloy ng isang badyang pamangha.
--Ating nasira ang katad; ano kayang sasabihin ko sa _barini_? Saan kaya ako makakasumpong ng ganyang katad?
At sinabi kay Mikhail.
--Anong ginawa mo. Ako'y iyong ipinahamak, katoto. Hinihingan ako ng barini ng bota. Nasaan?
Noon nga ay may tumuktok sa pintuan. Sa dungawan ay nakita ang alila ng _barini_, na nagtatali ng kanyang kabayo sa pintuan. Pinagbuksan ni Semel at ang alila ay patang-pata sa pagod.
--Magandang gabi po, suki.
--Magandang gabi rin pu naman. Anong nangyayari?
--Inutusan pu ako ng asawa ng barini upang kunin ang mga bota.
--Ang mga bota?
--Opo, hindi na pu kailangan ng _barini_;
Continue reading on your phone by scaning this QR Code
Tip: The current page has been bookmarked automatically. If you wish to continue reading later, just open the
Dertz Homepage, and click on the 'continue reading' link at the bottom of the page.