Nang Bata Pa Kami | Page 2

Pura Medrano
ako'y nahihilig na sa hihigan, sa piling ng minamahal
kong ama, ay lagi akong balisa, napipikit man ang mga mata ko'y
gising din ang aking diwa.
At ilan pang araw na gayon ang aking dinanas.

II
Kami ng Nanay ko'y naparoon sa lalawigan ng hindi ako
nakapagpaalam sa iyo.
Sa aming paglalakbay ay wala akong nakasama liban sa pighati. Hindi
pa kami dumadating sa aming paparoonan ay ninais ko nang magbalik;
nguni't kami'y nasa laot na, at dahil dito ano pa ang aking gagawin
kundi ang magtiis. At nagtiis nga ako't nasabi ko tuloy sa aking sariling:
"kay hirap pala nang malayo sa minamahal" Oo, mahirap nga. At sukat
bang pati ng malamig na simoy ng dagat na dati kong kinawiwililihang
sagapin ay kayamutan ko!
Makailang araw, kami'y nagbalik; gaya rin ng aming pagalis na hindi
mo namalayan, at buhat sa "azotea" ng aming bahay ay natanaw kitang
nakikipaglaro ng tubigan sa ating mga kababata.
Noo'y gabing maliwanag ang buwan at kayo'y nasa inyong bakuran.
Agad kitang pinaroonan. At nang ako'y iyong matanaw ay huminto ka
sa iyong paglalaro, humiwalay ka sa mga kasama, dalidali kang naupo

sa isang nakaalimbutod na ugat ng kahoy at saka nangalumbaba.
Naalaala ko ang aking pag alis ng walang paalam, at sisikdosikdo ang
loob kong lumapit sa iyo.
Tumindig ka't tila hindi mo na ako ibig kausapin; at anyo kang aalis,
nguni't napigilan kita at nang titigan ko ang mukha mo'y nabanaagan
kong dumadaloy sa binurok mong pisngi ang luhang buhat sa iyong
pusong naghihinanakit.
Ipinatalastas ko sa iyo na ang aming pagalis ay biglaan at ang aking
pagsama'y sa kaibigan ng tatay ko na ang aking ina'y huwag mag-isa sa
paglalayag. At palibhasa'y nahalata kong ayaw kang maniwala, ay
isinamo kong ako'y iyong patawarin.
Sa aking pagmamakaawa'y nahabag ka. Pinaupo mo ako sa iyong tabi
at matagal tayong nagusap.
--¿Pinatatawad mo ba ako?--ang una at kiming tanong ko sa iyo.
--Mamaya mo malalaman--ang tugon mo.
--Ayoko ng mamaya pa--ang malambing na ulit ko.
--Oo, pinatatawad kita--ang pangiting salo mo naman.
At ako'y natuwa nang gaya ng dati.
Nang gabing iyon ay marami kang sinabi sa akin gayon din ako sa iyo
at kung hindi tayo pinagtuksuhanan ng ating mga kaibigang napatigil sa
paglalaro ng tubigan ay hindi pa tayo magkakatapos sa paguusap
sapagka't para tayong mga pinagpalang nagpapasasa sa biyayang hulog
ng langit. ¿Hindi ba Edeng?...
At nagalit ka sa nagsipanukso sa atin, kaya't bubulongbulong kang
nakyat at ako nama'y maligayang umuwi sa amin.

III
Kinabukasan.
Pagbabangon ko sa hihigan, ay una kong tinanaw ang durungawan ng
iyong silid. Nakabukas ang isang dahon at nakita kong bihis ka na.
Noo'y mag-iikapito na ng umaga, oras ng pagpapasukan sa paaralan.
Sampung minuto pa ang dumaan bago ka lumabas sa pinto ng inyong
bahay na dala mo ang iyong mga aklat.
Dalidali akong nanaog at hindi mo naino na sinundan kita hanggang
makarating ka sa paaralan. Sa tanghali'y binantayan kita sa aming
bintana hanggang makapasok ka sa inyong pintuan.
Gumabi.

Maliwanag din ang buwan.
Ang inyong looban ay gaya rin ng dating pinagsasadya ng mga
kababatang kalapit-bahay, at nang marami ng nagkakatipon ay
sinimulan ang laro. Ngayo'y patintero, mamaya'y takip-silim at bala
nang maisip.
Ako'y nanaog upang makihalo sa inyo; nguni't nang naroon na ako't
hanapin, kita, ay wala ka.
Kumaba na naman ang dibdib ko at aking isinaloob na ikaw ay
nagtatampo pa sa akin, at dahil dito ay naitanong ko sa isang kapwa
bata kung saan ka naroon.
--¡Hayún ay ... ayaw maglaro!--ang tugon sa akin.
Ako'y lumingon at nakita, kitang nakaupo sa hagdan ng inyong
"azotea".
Linapitan kita't aniko'y:
--¿Bakit ka nakaupo diyan?
--Mangyari'y hinihintay kita--ang waring may lambing na sagot mo.
--¿Ayaw ka bang maglaro?-ang ulit ko na wala nang pangambang may
hinampo ka pa sa akin.
--Maglalaro ako kung kasali ka--ang may ngiti mong salo.
--¡Naku!--ang pakunwa ko naman.
--Oo,--ang mariin mong agaw na parang ibig mo nang maghinanakit,
kaya't sinagot kitang agad:
--Sa totoo man ó hindi ang sinabi mo, ay dapat mong malaman, na
kung kaya ako naparitong maglaro ay dahil lamang sa iyo.
Tinitigan mo ako bago ka ngumiti ng ngiting may kasiyahang loob.
Tinawagan natin ang mga kasama at tayo'y tumayong pabilog at
pagdaka'y sinimulan mo ang "Pepe-serepe" at....
¡Kay, pilya, pilya mo! sinadya mo pang ako ang mataya.
Pagkatapos ay nagtakbuhan kayong ako ang inyong kasunod.
Aywan kung bakit, at noo'y wala akong abutan sa inyo: kay tutulin
ninyong tumakbo, para kayong mga ibon.
Sa ikatlong inanduyan ay nahapo ako at....
--Batugan, batugan--ang sigawan ninyong lahat.
Ako'y napahiya.
Naawa ka sa akin, at binulungan mo ako ng:
--"May mahuhuli ka na ngayon"--at saka patakbo kang lumayo. Nguni't
ilang hakbang lamang ay tumigil ka na at hindi pa mandin kita

nahahawakan ay sumigaw ka:
--"Nahuli ako, nahuli ako"--at idinugtong mo pa ng marahan ang
ganito:--"Kaawaawa ka naman,
Continue reading on your phone by scaning this QR Code

 / 14
Tip: The current page has been bookmarked automatically. If you wish to continue reading later, just open the Dertz Homepage, and click on the 'continue reading' link at the bottom of the page.