Nang Bata Pa Kami | Page 3

Pura Medrano
tutubusin kita't pagod na pagod ka na".
Oo, patangpata na nga ako; danga't kasali ka, kundi'y umuwi na sana
ako sa ikalawang takbuhan pa lamang.
Ang ating laro'y natapos ng gabing iyon, sapagka't sa nagsisunod na
gabi'y panay na salitaan ang ating ginawa. Nguni't ¿ano ang ating
napagusapan? ¿Panay pang kamusmusan na gaya ng mga unang araw?
Hindi na.
¿Nagkatalastasan na kaya tayo ng itinitibok ng ating puso?
¡Aywan! datapwa't buhat noon ay unti-unti na tayong lumayo sa, ating
mga kababata, sapagka't palagi tayong pinagtututukso.

IV
Ang patintero, ang takip-silim at iba pang laro na napagpaparaanan ng
mga bata ng masasayang oras ay hindi na natin muling naalaala, at ang
ating paguusap sa inyong looban ay nalipat sa bulwagan ng inyong
tahanan.
At isang gabi na kayo ng mga tatay mo'y nagpasiyal sa Sta. Cruz ay
nakita ko kayo sa harap ng simbahan.
Noo'y del Pilar. Maraming tao, maraming marami. Ang mga periya'y
nagsisikip sa nagsisipag baka-sakaling sa pagtaya sa iba't ibang
sapalaran ay makatama ng relos, mañika at iba pa.
Sa liwasan ni Goiti, sa harap ng simbahan at ibang lansangan ay
langkay langkay na nagsisipaglakad ang mga kawal ng pag-ibig, at ang
mga binatang kaagapay ng mga binibini'y bubulong bulong na animo'y
mga bubuyog kung dumadapo sa mababangong bulaklak.
Nakita ko nga kayo sa harap ng simbahan: ang tatay mo'y mayroong
kausap at ikaw nama'y nagmamasid sa mga taong naglalakad.
At baga man ako'y papauwi na, ay hindi ako nagtuloy, linapitan ko
kayo at matapos akong magpugay sa iyong mga magulang ay tinanong
kita ng marahan:
--¿Kanina pa ba kayo rito?
--Oo,--ang sagot mo.
--¿Bakit ngayon ko lamang kayo nakita?--ang ulit ko.
--Mangyari'y hindi mo kami hinahanap--ang parang may tampo mong
pakli.

¿Paano ko kayong hahanapin--ang salo ko naman--sa hindi ko
naaalamang paparito kayo?
Ang tatay mo'y nagyayang makinig ng serenata. Tayo'y tumungo sa
kinalalagyan ng bandang tumutugtog ng sari-saring opera at nang
tayo'y naroon na'y bumili ako ng lansones sa isang magmamane sa
tapat ng La Perla.
Inalok ko ang mga tatay mo't pagkatapos ay nilapitang kita, at:
--Ayoko--ang iyong pauna.
--¿Bakit, ayaw ka ba nito? ¿ano ang iyong ibig--ang malambing kong
tanong sa iyo.
--Wala--ang iwas mo.
--¡Wala raw!--ang salo ko naman.
--Wala nga--ang patibay mong mali.
--¡Naku, ikaw naman! ¿Ano lamang eh? Sabi na, hale, sabi na.--ang
magiliw kong samo.
--Kung alin ang masarap sa iyo ay siya mong bilhin at masarap din sa
akin--ang pakli mo na sinundan ng ngiting puno ng saya.
At muli akong lumapit sa magmamane. Pumili ako sa isang bilao ng
dalawang mansanas at pagkatapos ay ibinigay ko sa iyo ang isa.
--Iyan, iyan ang masarap--ang bigkas mong sabay sa pagtanggap ng
mansanas.
--¿Totoo nga ba?--ang tanong ko naman.
--Oo, sapagka't hindi ka bibili ng hindi masarap at ang masarap sa iyo
ay masarap din sa akin.
Katatapos mo pa lamang mag-salita'y siya namang pagpaparinig ng
banda ng isang mainam na opera.
Habang pinakikinggang ko ang tugtuging iyon ay parang nananariwa sa
aking gunita ang mga pangalan ng operang akin nang napanood at
naalaala kong yao'y ang "Sandugong Panaginip".
--Hindi mo ba naaalaala ang tugtuging iyan?--ang tanong ko sa iyo.
--¿Hindi ba iyan ang "Sandugo"?--ang balik mo naman sa akin.
--Iyan nga--ang masaya kong pakli--at ¿hindi kaya natin sapitin ang
naging hangga ng pagiibigan ni Tarik at ni Bitwin?
Hindi ka nakakibo, parang naumid ang iyong dila't namutla ka,
sapagka't salitang pagiibigan ang iyong napakinggan sa aking bibig na
tila baga tayo'y mayroon nang salitaan.
Nang mahalata kong hindi ka makapangusap, ako'y nagpatuloy sa

aking pananalita: isinaysay ko ang napagsapit ng dalisay na pagiibigan
ni Bitwin at ni Tarik, ayon sa aking nabasang argumento ng Sandugo at
pagkatapos ay ipinahayag ko naman ang damdaming tumubo sa aking
puso mula nang tayo'y bata pa at itinanong ko sa iyo kung yao'y
pag-ibig na.
Palibhasa'y hindi mo rin ako sinagot, ay ako na ang nag-sabing
PAGIBIG na nga at idinugtong ko pang "INIIBIG KITA".
Makailang araw ay nagbago ka: oo, nagbago ka. Ang masasaya mong
ngiti'y bahagia mo nang ipamalas sa akin at sa nagsisunod na mga
paguusap natin ay waring nabibigatang kang sumagot sa aking mga
sinasabi; subali't nahalata kong nagtatampo ka't nalulumbay pa pag
hindi kita nadadalao.

V
Baga ma't ang masasaya mong ngiti'y iyong ipinagkait sa akin, ay
maligaya rin ako; oo, maligaya rin ako sapagka't nahalata kong
tumutugon ka sa tibok ng aking puso. Nguni't ang aking kaligayahan ay
naparam na animo'y aso sa bahagiang simoy ng hangin, sapagka't
nalipat kami ng bahay at may nagsabi sa amin ng ako'y palaging
nakakagalitan ng aking guro sa dahilan daw na ako'y madalas na hindi
makalisyon, at, sukat bang ang tatay ko'y maniwala at ipinagbawal pa
sa akin ang pagpapasyal...?
¡Oh! anong lungkot ko noon! ... Kung nakilala ko ang dalahirang
naghatid sa amin ng balitang iyon ay ... aywan:
Continue reading on your phone by scaning this QR Code

 / 14
Tip: The current page has been bookmarked automatically. If you wish to continue reading later, just open the Dertz Homepage, and click on the 'continue reading' link at the bottom of the page.