Sa Ano Nabubuhay Ang Tao | Page 9

Leo Nikoleyevich Tolstoy
rin sa pagtataboy sa akin. Agad pinagsalitaan
siya ng kanyang asawa ng tungkol sa Diyos. Pagdaka'y nagbago ang
babae; hinainan ako ng pagkain at sapagka't ako'y tinitignan niya ay
tinitigan ko siya: ang patay ay muling nabuhay, at nakilala ko ang
Diyos sa kanyang mukha. At aking naalala ang salita ng Diyos: Iyong
malalaman ang sumasatao. Napagtalastas ko sa ganito na sumasa mga
tao ang pag-ibig. Naginhawahan ako sa pagkahayag ng isa sa mga
salita ng Diyos, at una kong ikinangiti; nguni't hindi ko napag-alamang
lubos sa isang sandali, hindi ku pa napag-uunawa ang hindi ipinabatid
sa tao ni ang bumubuhay sa tao.
Natira akong isang taon sa inyo; ang barini ay naparito na nagpasadya
ng mga bota, mga botang dapat magluwat ng isang taon na hindi man
lamang mahihiwid o masisira man. Tinignang ko siya at nakita ko sa
kanyang siping ang isa sa aking mga kasama, ang anghel ng kamatayan;
ako lamang ang nakakita; siya'y aking nakilala at aking napag-unawa
na bago lumubog ang araw ay mahihiwalay ang barini sa kanyang
kaluluwa at inisip kong:
Ang tao ay nagtitipon ng sa isang taon; nguni't di niya nalalamang
siya'y mamamatay sa paglubog ng araw.
At aking naalaala ang ikalawang salita ng Diyos: Iyong malalaman ang
hindi ipinabatid sa tao.
Ang sumasatao ay nalalaman ko na. Nalaman ko nuon ang hindi
ipinabatid sa tao. Hindi ipinabatid sa kanya ang pagkukulang sa
kanyang katawang ikinangiti ko.
Nguni't hindi ku pa batid, at hindi ku pa nauunawa ang bumubuhay sa
mga tao. Nabuhay ako sa paghihintay ng pahayag ng Maykapal, ng
huling salita ng Diyos. Sa ikaanim na taon ay naparito ang babae na

may kasamang dalawang batang kambal, aking nangakilala at napuna
kong sila'y nabuhay. Ng magkagayo'y aking naalamang lahat at inisip
ko.
Namamanhik ang ina, dahil sa kanyang mga anak at aking dininig ang
ina; pinaniwalaan ko, na ang mga ulilang iyan ay natatalaga sa
kamatayan at naito, na sila'y pinakain at kinupkop ng isang babae, ng
isang di kilala.
At ng ang babaing iyan ay mapaiyak sa kabutihan, ng kanyang minahal
at kinahabagan, ay nakita ko sa kanya ang larawan ng Diyos at aking
napag-unawa ang bumubuhay sa tao. Aking napag-unawa na
naipahayag sa aking ng Diyos ang huling salita at iginawad sa akin ang
kapatawaran at siyang ikatlo kong pagkangiti.

XII
At ang anghel ay naghubad ng kanyang pagkalupa at nagbihis ng
liwanag; ang mga mata ng tao ay nangasilaw sa liwanag na yaon.
Naglakas ng kanyang tinig na parang galing sa langit at nagsabing; _At
aking naunawa, na ang tao ay hindi nabubuhay sa kanyang mga sariling
kailangan, kundi nabubuhay sa pag-ibig_.
Hindi alam ng ina ang bubuhay sa kanyang mga anak; hindi alam ng
barini ang kailangan; hindi alam ng sinumang tao na kung buhay sa
gabi, ay mangangailangan ng bota o kung patay ay sandalyas.
Ako'y nabuhay sa pagkatao, hindi sapagka't kinandili ko ang sarili,
kundi sapagka't inibig ng isang naglalakad at ng asawa niyaon;
nangahabag sa akin at ako'y inibig. Nangabuhay ang mga ulila
sapagka't nagkaroon ng isang babae na nagtaglay sa kalooban ng
maningas na pag-ibig. Nabubuhay ang mga tao, hindi sapagka't
kinandili nila ang sarili, kundi sapagka't ang pag-ibig ay kumandili sa
kalooban ng mga tao.
Alam ko kapagkaraka, na pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng
buhay at inibig niyang sila'y mangabuhay: ngayo'y napag-unawa ko na
ayaw ang Diyos, na ang tao ay mabuhay na mag-isa, at dahil dito ay
inilihim niya sa isa't isa ang kailangan. Ibig niya na ang bawa't isa ay
mabuhay sa ikagagaling ng mga iba at dahil dito ay inihahayag niya sa
isa't isa ng paminsan ang makabuluhan sa sarili at pati ng sa iba.
Napag-unawa ko nga na ang mga tao na may paniwalang nabubuhay sa
sariling sikap, ay hindi nga nabubuhay kundi sa ngalang pag-ibig. Ang

nabubuhay sa pag-ibig ay nabubuhay sa Diyos at ang Diyos ay
nananahan sa kanya, dahil sa ang Diyos ay pag-ibig.
At ang anghel ay umawit ng pagpupuri sa Panginoon; umuga ang
bahay sa kanyang tinig, nabuksan ang bubungan at isang haliging apoy,
ay napailanlang sa kalawakan.
--Si Semel, ang asawa at ang kanyang mga anak ay paraparang
nagsiluhod sa lupa. Ang Anghel ay nagbukadkad ng kanyang
malalaking pakpak at umilanlang sa langit.
Ng pagsaulan ng malay-tao si Semel ay namasdan niyang ang bahay ay
gaya rin ng dati na walang linalaman liban sa kanya at sa mga dating
nangaroon.

End of the Project Gutenberg EBook of Sa Ano Nabubuhay Ang Tao
by Leo Nikolayevich Tolstoy
*** END OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK SA ANO
NABUBUHAY ANG TAO ***
***** This file should be named 15628-8.txt or 15628-8.zip *****
This and all associated files of various formats will be found in:
http://www.gutenberg.net/1/5/6/2/15628/
Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad and
Distributed Proofreaders. Para sa pagpapahalaga ng panitikang
Pilipino.
Continue reading on your phone by scaning this QR Code

 / 13
Tip: The current page has been bookmarked automatically. If you wish to continue reading later, just open the Dertz Homepage, and click on the 'continue reading' link at the bottom of the page.