sakaling umabot hanggang biyernes.
Pagkatapos na maitago ang tinapay, ay naupo si Matrena sa siping ng
dulang upang magsursi ng baro ng kanyang asawa; nananahi at inaalala
si Semel, na namili ng katad.
--¡Baka madaya pa ng maytinda! Napakahangal ang asawa ko. Siya ang
di marunong magdaya kaninuman at napadadaya maging sa bata. Sa
halagang walong rublo ay makabibili na ng isang mabuting balabal;
hindi kabutihan, nguni't may kaigihan na. Totoong nagbata kami ng
taginaw na iri dini sa iisang balabal. Hindi makapaglaba sa ilog ng wala
niyan, at eto, upang makalakad ay dinala ang aking suot. Hindi ako
makapanaog ng ganiri!... Pagkaluwat! Naparaan ba kaya sa tindahan ng
alak?
Kabibitaw pa lamang sa bibig ng mga salitang ito, ay siyang pagkarinig
ng mga yabag ni Semel sa may hagdanan. Iniwan ni Matrena ang
sursihin at napatungo sa silid. Nakita niyang nasok, ay dalawang lalaki,
na walang sombrero at nakabota. Malayo pa'y nahalata na ni Matrena,
na ang kanyang asawa ay naglasing.
Siya ko na nga bang kutog ng loob, aniya.
Pagkakitang walang kapote at nangakalitaw ang mga kamay, walang
imik at wari nahihiya, ay kumaba ang loob ng abang asawa.
Iniinom nga ang kuwarta. Nakipaglasingan sa isang hampas-lupa at
ngayo'y dala rine. Wala na kami kundi ito lamang.
Pinabayaan niyang magtuloy sila at kanyang sinundan na di umiimik.
Napaghalata niya na ang kasama ay may kabataan, payat, putlain,
nakakapote na walang baro sa katawan at wala ni gora. Ng makapasok
na ay tumigil na walang kibo at nakatungo. Inisip ni Matrena.
Suwitik ito, nahihiya pa, naghihintay ng mangyayari.
Nag-alis ng gora si Semel at umupo sa bangko na parang isang batang
mabait.
--Oy, Matrena,--aniya--pahahapunin mu ba kami?--Hindi pa ako
kumakain.
Si Matrena ay hindi lumilingon na nagbububulong. Tumigil sa may
kusina, saka minasdang isa-isa, na iiling-iling at di kumikibo.
Nahalata ni Semel na galit ang kanyang asawa; nguni't anong gagawin?
Sapagka't walang may ibig, ay tinagnan niya sa kamay ang kasama at
sinabing:
--Maupo ka, kapatid. Humapon tayo.
Ang kasama ay naupong walang imik.
--Ano Matrena; hindi ka ba naghanda ng hapunan?
--Oo't naghanda ako; nguni't hindi sa iyo; ikaw ay naglasing hanggang
sa mawalan ka ng isip ... Ikaw ay bibili ng isang bagong balabal at
umuwi ka pa ng walang kapote. Sa ikalulugmok natin ay nagsama ka
pa ng isang hampas-lupa. Ako'y walang maipahahapon sa mga lasing.
--Siyana, Matrena; walang kailangang magsalita upang wala nang
pag-usapan. Lalong magaling ang itanong mo sa akin kung sino ang
taong ito.
--Pasimulan mong sabihin sa akin kung saan mo iniwala ang
kuwarta,--ang tugon ng asawa.
Dumukot si Semel sa bulsa at inilitaw ang tatlong rublo.
--Eto ang kuwarta; si Trofimoy ay hindi nagbayad, nangako sa akin
bukas na.
Si Matrena ay lalong nag-init. Sa aba ng balabal, at pati ng kaisa-isang
kapote ay ibinigay pa sa isang hampas-lupa na dinala rini sa
ikadaragdag sa hirap. Eto ang kuwarta at saka dinugtungan.
--Wala akong hapunan; hindi ako makapagpapakain sa mga
hampas-lupang lasing.
--Oy, Matrena, huwag kang maingay at dinggin mo iring aking
sinasabi!
--Ako! Makinig ng mga kaululan ng isang walang hiyang lasing! May
matuwid ako na umayaw na maging asawa kita! Iniwanan ako ng aking
ina ng pambili ng damit at iniinom mo ng alak; ngayo'y bibili ka ng
isang balabal at iniinom mo rin.
Hindi magawing maipaaninaw ni Semel, na dalawampung kopek ang
kanyang iniinom at gayon din na kung paanong kanyang nasumpungan
ang kanyang kasama; ayaw paraanin ni Matrena ang kanyang salita,
sunud-sunod ang kanyang salita, sunud-sunod kung tugunin siya. Pati
nuong nangyari ng may sampung taon, ay ipinamumukha pa sa kanya.
Salita pa ng salita, at saka tinagnan si Semel sa manggas.
--Isauli mo sa akin ang suot ko, wala kundi iyan at kinuha mu pa; siya
mo ngayong suot, asong galisin. Hindi ka pa tangayin ng diyablo!
Huhubdin na ni Semel; binaltak ng asawa at natastas ang mga tahi; sa
katapus-tapusan ay tinagnan ni Matrena ang suot, isinuot at napasa
dakong pinto upang yumaon, nguni't agad napatigil sa galit; wari ibig
makipagkaalit kahi't kanino at mabatid kung sino ang taong yaon,
IV
Tumigil si Matrena sa tabi ng pinid at nagsabing:
Kung iya'y mabuting tao, ay hindi sana hubad; magkakaroon man
lamang ng baro. Kung ikaw ay gumawa ng isang mabuting gawa, ay
sasabihin mu sana sa akin kung saan nanggaling ang palaboy na ito.
--May tatlong oras nang sinasabi ko sa iyo, nguni't di mo ako dinidinig.
Nagdaraan ako sa tabi ng simbahan, ay nakita ko ang binatang ito na
halos naninigas at hubad; wala nga tayo sa panahong tag-araw. Inakay
ako ng Diyos sa kanya; na kung di gayon ay namatay sana ito ngayong
gabi. Anong gagawin ko? Siya'y aking binihisan, binalabalan at aking
ipinagsama. Tumahimik ka nga, Matrena, iya'y isang kasalanan.
Tayong lahat ay para-parang mamamatay.
Si Matrena ay nagbuka ng bibig upang sumagot.
Continue reading on your phone by scaning this QR Code
Tip: The current page has been bookmarked automatically. If you wish to continue reading later, just open the
Dertz Homepage, and click on the 'continue reading' link at the bottom of the page.