Sa Ano Nabubuhay Ang Tao | Page 7

Leo Nikoleyevich Tolstoy
ng mga tao, inayos ang bangkay, isinilid sa kabaong at ibinaon sa lupa. Ang mga kapitbahay ay mabubuting tao, nguni't ang mga sanggol ay naulila at walang mag-andukha. Ako nga ang tanging nag-alaga sa kanila; nagpapasuso ako ng aking panganay at ipinakisuso ko sila. Ang mga mujik ay nagtitipon, nagsalitaan, nagsanggunian kung ano ang marapat gawin sa kanila, at ito ang sinabi sa akin:
--Ikaw na ang bahalang mag-alaga sa mga sanggol na ito, iyong pasusuhin at mapagiisip-isip mo ang lalong magaling. Napasuso ko na ang una, nguni't ang isa, ang abang pilay ay hindi pa, hindi ko akalaing mabuhay, nguni't agad iniwaksi ko ang aking katigasang-loob; dumadaing at aking kinahabagan. Bakit maghihirap iyang kaluluwang anghel? Aking pinasuso at inalagaan ang tatlo, ang aking anak at ang mga ulila, ako nuo'y bata at malakas, kumain akong mabuti at nagkaroon ako ng saganang gatas, at ako'y pinagpala ng di kawasa ng Panginoon. Pinasususo ko ang dalawahg bata at naghihintay ang ikatlo, pagkabusog ng dalawa, ay saka ko pinasususo ang ikatlo at ipinagkaloob sa akin ng Diyos na sila'y aking mabuhay. Ang aking anak ay namatay pagkaraan ng dalawang taon, at hindi na ako pinagkalooban, pa uli ng Diyos ng anak. Habang ito'y nangyayari ay bumubuti ang aming pamumuhay, ngayo'y natitira kami sa isang alilisan, sa bahay ng isang may tindahan. Binabayarang kaming mabuti at ang aming buhay ay tiwasay, nguni't wala akong anak. Sinu pang aking lilingapin kung wala ang mga batang ito? Wala nga akong mga kasama. Bakit ko nga di ibigin at mahalin sila? Sila ang mga anino ng aking mata at ligaya ng aking buhay.
Niyakap ng babae ang mga bata, hinagkan ang pilay at naglaro ang luha sa kanyang mga mata.
Nabubuhay ang walang ama at walang ina; hindi nabubuhay ang walang Diyos, anang kawikaan.
Gayon nagsalitaan at humanda na ng pag-alis ang babae. Sa paghahatid sa kanya nina Semel ay nalingunan si Mikhail na nakayakap ang mga kamay sa mga tuhod, ang mga mata'y nakatirik sa langit at nakangiti.

X
Siya'y nilapitan ni Semel at pinagsabihan.
--Anong ginagawa mo, Mikhail?
Tumindig si Mikhail, iniwan ang ginagawa, nag-alis ng tapi, yumukod sa mag-asawang panginoon niya at nagsabi sa kanilang:
--Patawarin ninyo ako, mga panginoon, pinatawad na ako ng Diyos. Patawarin naman ninyo ako.
Napagkita nina Semel, na si Mikhail ay nagliwanag. Tumindig si Semel, yumukod sa kanya at nagsabing:
--Napagkikita ko, Mikhail, na ikaw ay isang taong di gaya ng iba, at hindi kita mapipigil sa aking piling o matatanong man. Sabihin mo lamang sa akin: Bakit ikaw ay napakawalang-imik, at totoong gitla ng ikaw ay aking matagpuan at ipagsama sa aking bahay?
--Bakit ka pinagsaulian ng loob, ng hainan ka ng aking asawa ng pagkain? Nuon nga'y napangiti ka at sumigla ang iyong kalooban.
Saka ng pumarito ang _barini_, na magpasadya ng mga bota ay napangiti kang muli at lalong sumigla ang iyong kalooban, at ngayong dalhin dito ng babaing ito ang mga bata ay napangiti kang makaitlo at nagliwanag ang iyong mukha. Sabihin mo sa akin, Mikhail. Bakit sumisilang sa iyo itong dalisay na liwanag at bakit ka ngumiting makaitlo?
At sumagot si Mikhail.
--Sumisilang sa akin ang liwanag, sapagka't ako'y naparusahan; hinatulan ako ng Diyos at ngayo'y pinatawad na ako; ako'y napangiting makatatlo sapagka't dapat akong makarinig nga ng tatlong salita ng Diyos at aking nangarinig. Narinig ko ang una ng mahabag ang iyong asawa sa aking kaabaan, yaon nga'y una kong ikinangiti. Napangiti akong muli ng pumarito ang _barini_, sapagka't naihayag sa akin ang ikalawang salita; at ngayon, pagkakita ko sa mga bata ay ikinangiti kong pangatlo sa pagkarinig ko ng ikatlong salita ng Diyos.
Tinanong siya ni Semel: sabihin mo sa akin, Mikhail kung bakit ka pinarusahan ng Diyos at kung anong mga salita ito upang malaman ko naman.
Si Mikhail ay sumagot:
Pinarusahan ako ng Diyos dahil, sa aking paglabag. Sa langit ay isang anghel ako, at siya ay aking sinuway. Nuon ay isa ako sa mga anghel sa langit at sinugo ako ng Diyos sa isang kaluluwa, sa kaluluwa ng isang babae. Bumaba ako sa lupa at nakita ko ang isang babae na nakalugmok sa higaan, may sakit at kapanganganak lamang sa dalawang batang babae. Ang mga ito ay nangagsisihibik sa tabi ng ina, at siya'y napakahina na di niya mapasuso sila. Pagkakita sa akin ay nataho na kailangan ng Diyos ang kanyang kaluluwa; tumangis at nagsabi sa aking namamanhik:
Anghel ng Diyos, ang aking asawa ay namatay, na nabuwalan ng isang punong-kahoy sa gubat; ako'y walang ina, o kapatid, o ali: ang aking mga ulila ay walang inaasahan, liban sa aking abang kaluluwa: pabayaan mo akong mapalaki ko ang aking mga anak; ipagpaubaya mong sila'y makalaki sapagka't ang mga bata ay hindi maaaring mabuhay ng walang ama o ina.
Sinunod ko ang babae, ipinatong ko ang isang anak sa kandungan at ang isa'y sa kanyang bisig; muli akong napailanlang sa langit, at pagharap ko sa Panginoon ay sinabi kong:
Continue reading on your phone by scaning this QR Code

 / 13
Tip: The current page has been bookmarked automatically. If you wish to continue reading later, just open the Dertz Homepage, and click on the 'continue reading' link at the bottom of the page.