fraile; dapat palakhin ang
anak na malapit baga sa larawan ng tunay na Dios, Dios na dí
nasusuhulan, Dios na dí masakim sa salapí, Dios na ama ng lahat, na
walang kinikilingan, Dios na dí tumatabá sa dugó ng mahirap, na dí
nagsasaya sa daing ng naruruhagi, at nangbubulag ng matalinong isip.
Gisingin at ihandá ang loob ng anak sa balang mabuti at mahusay na
akalá: pagmamahal sa puri, matapat at timtimang loob, maliwanag na
pagiisip, malinis na asal, maginoong kilos, pagibig sa kapuá, at
pagpipitagan sa Maykapal, ito ang ituró sa anak. At dahil ang buhay ay
punó ng pighatí at sakuná, patibayin ang loob sa ano mang hirap,
patapañgin ang pusó sa ano mang pañganib. Huag mag antay ang bayan
ng puri at ginhawa, samantalang likó ang pagpapalaki sa batá,
samantalang lugamí at mangmang ang babaing magpapalaki ñg anak.
Walang maiinom sa labó at mapait na bukal; walang matamis na buñga
sa punlang maasim.
Malaki ngang hindí bahagyá ang katungkulang gaganapin ng babai sa
pagkabihis ng hirap ng bayan, nguni at ang lahat na ito'y dí hihigit sa
lakas at loob ng babaing tagalog. Talastas ng lahat ang kapanyarihan at
galing ng babayi sa Filipinas, kayá ñgá kanilang binulag, iginapus, at
iniyukó ang loob, panatag sila't habang ang iba'y alipin, ay ma-aalipin
din naman ang lahat ng mga anak. Ito ang dahilan ng pagkalugamí ng
Asia; ang babayi sa Asia'y mangmang at alipin. Makapangyarihan ang
Europa at Amerika dahil duo'y ang mga babai'y malaya't marunong,
dilat ang isip at malakas ang loob.
Alam na kapus kayong totoo ñg mga librong sukat pagaralan; talastas
na walang isinisilid araw araw sa inyong pagiisip kundí ang sadyang
pang bulag sa inyong bukal na liwanag; tantó ang lahat na ito, kayá
pinagsisikapan naming makaabot sa inyo ang ilaw na sumisilang sa
kapuá ninyo babayi; dito sa Europa kung hindí kayamutan itong ilang
sabi, at pagdamutang basahin, marahil ay makapal man ang ulap na
nakakubkob sa ating bayan, ay pipilitin ding mataos ñg masantin na
sikat ñg araw, at sisikat kahit banaag lamang ... Dí kami manglulumo
kapag kayo'y katulong namin; tutulong ang Dios sa pagpawí ñg ulap,
palibhasa'y siya ang Dios ñg katotohanan; at isasaulí sa dati ang dilag
ñg babaying tagalog, na walang kakulañgan kundí isang malayang
sariling isip, sapagka't sa kabaita'y labis. Ito ang nasang lagì sa
panimdim, na napapanaginip, ang karañgalan ñg babaying kabiak ñg
pusó at karamay sa tuá ó hirap ñg buhay: kung dalaga, ay sintahin ñg
binatá, di lamang dahilan sa ganda ó tamis ñg asal, kundí naman sa
tibay ñg pusó, taas ñg loob, na makabuhay baga at makapanghinapang
sa mahiná ó maruruwagang lalaki, ó makapukaw kayá ñg madidilag na
pagiisip, pag isang dalaga bagang sukat ipagmalaki ñg bayan,
pagpitaganan ñg iba, sapagka at karaniwang sabi sabi ñg mga kastilá at
pari na nangagaling diyan ang karupukan at kamangmañgan ñg
babaying tagalog, na tila baga ang mali ñg ilan ay malí na nang lahat, at
anaki'y sa ibang lupá ay walá, ñg babaing marupok ang loob, at kung
sabagay maraming maisusurot sa mata ñg ibang babai ang babaying
tagalog..... Gayon ma'y dala marahil ñg kagaanan ñg labí ó galaw ñg
dilá, ang mga kastilá, at parí pagbalik sa Espanya'y walang unang
ipinamamalabad, ipinalilimbag at ipinagsisigawan halos, sabay ang
halakhak, alipustá at tawa, kundí ang babaing si gayon, ay gayon sa
convento, gayon sa kastilang pinatuloy, sa iba't iba pang
nakapagñgañgalit; sa tuing maiisip, na ang karamihan ng malí ay gawá
ñg kamusmusan, labis na kabaitan, kababaan ñg loob ó kabulagan
kayang kalalañgan din nila..... May isang kastilang nagayo'y mataas na
tao na, pinakai't pinatuloy natin sa habang panahong siya'y
lumiguyliguy sa Filipinas ... pagdating sa Espanya, ipinalimbag agad,
na siya raw ay nanuluyang minsan sa Kapangpañgan, kumai't natulog,
at ang maginoong babaying nagpatuloy ay gumayon at gumayon sa
kanya: ito ang iginanti sa napakatamis na loob ng babayi ... Gayon din
ang unang pahili ng pari sa nadalaw na kastila, ay ang kanyang mga
masusunuring dalagang tagahalik ng kamay, at iba pang kahalo ang
ñgiti at makahulugang kindat ... Sa librong ipinalimbag ni Dn.
Sinibaldo de Mas, at sa, iba pang sinulat ng mga pari, ay nalathala ang
mga kasalanang ikinumpisal ng babai na di ilinilihim ng mga pari sa
mga dumadalaw na Kastila, at kung magkaminsan pa'y dinadagdagan
ng mga kayabañgan at karumihang hindi mapaniniwalaan ... Di ko
maulit dito ang mga di ikinahiyang sinabi ng isang fraile kay Mas na di
nito mapaniwalaan ... Sa tuing maririnig ó mababasa ang mga bagay na
ito'y itinatanong namin kung Santa Maria kaya ang lahat ng babaying
kastila, at makasalanan na kaya baga ang lahat ng babaying tagalog;
ñguni kong sakali't magsumbatan at maglatlatan ng puri'y ... Datapua't
lisanin ko ang bagay na ito, sapagka't dí ako paring confesor, ó
manunuluyang kastilá, na makapaninirá ñg puri ng iba.
Continue reading on your phone by scaning this QR Code
Tip: The current page has been bookmarked automatically. If you wish to continue reading later, just open the
Dertz Homepage, and click on the 'continue reading' link at the bottom of the page.